Monday, December 1, 2008

Kagandahan.

Disclaimer: Ito ay batay sa obserbasyon, napag-aralan, pananaw at opinyon ng may akda. Hindi layunin ng sanaysay na ito ang mangutya ng tao at iparamdam sa kanila ang pagiging mababang uri. Layunin nito na buksan ang inyong isipan sa mga bagay sa paligid na marahil ay ating naiisantabi. Maaaring may mga kakulangan ang sanaysay na ito ngunit naniniwala ang may akda na sapat na ang nilalaman nito upang matalakay ang kalinawan ng paksa.


Kagandahan.

Ang hirap sa salitang "kagandahan" ay masyado syang subjective. Depende 'yan sa gumagamit ng salitang 'yan at sa pananaw nya sa salitang 'yan. Noong kumuha ako ng Art Studies 1 (Art and Society) under Prof. Herrera, mag-ingat ka sa pagsasabi na maganda ang isang bagay lalo na kung di mo kayang i-defend ang sinabi mo. Dahil nga hindi sapat na sabihing maganda ang isang bagay. Kailangan mong ipaliwanag kung bakit sya naging maganda, ano ang mga katangian at elemento ang nagpapaganda sa kanya? Minsan, kung ayaw mong mag-isip, nakakaasar magpaliwanag, e sa feel mong maganda sya e, wala ka nang maisip na dahilan. Pero tama nga naman, kailangan mo munang kilatisin ang isang bagay bago sabihing maganda ito.

Gayunpaman, walang bagay sa mundo ang perpekto. Kumbaga, lahat ng bagay, gaano man kaganda sa iyong pananaw ay may natatago ring "kapangitan". Ngunit tandaan na ang salitang "pangit" ay tulad lamang ng salitang "maganda", parehas silang subjective. At mapapansin mo lang ang imperpekto sa isang bagay kung susuriin mo itong mabuti. Halimbawa, ang isang damit ay mukhang maganda sa malayo, ngunit pag iyong nilapitan at tinignan ng mabuti, maaaring masyadong manipis ang tela nito o kaya nama'y may butas ito; kapag nakakita ka ng isang katangian na hindi mo gusto, ituturing mo ng pangit ang bagay na iyon.

Ngunit hindi ibig sabihin nito, hindi na maganda ang isang bagay. Lahat naman ng bagay ay may taglay na kagandahan. Minsan ayaw lang talaga nating pag-ukulan ng pansin ang kagandahang taglay nito. Madalas, mas pinupuna natin ang katangiang itinuturing nating "pangit". Minsan akala natin, kapag may hindi tayo gusto, pangit na; kapag pangit na, hindi na maganda. Nakakalimutan natin na walang perpekto sa mundo.

Parang tao lang 'yan, may maganda at pangit sa paningin ng bawat isa. Madalas, nalilinlang tayo ng panlabas na kaanyuan. Kaya mayroon tayong tinatawag na kagandahang panlabas at kagandahang panloob. Minsan pa nga, binabalewala na natin ang kagandahang panloob; madalas, kagandahang panlabas lang ang ating kinikilatis.

Isang bagay na natutunan ko sa Filipino 40 (Wika, Kultura at Lipunan) under Prof. Peregrino at Linggwistika 1 (Ikaw at Wika Mo) under Prof. Cruz, ay karamihan sa mga Pilipino, kung ano pa ang pangit, 'yun ang tinatandaan nila. Halimbawa, sa pangalan o bansag sa isang tao, nariyan si pipi, si bingi, si pilay, si kuba, si pangit, atbp. At kung papansinin, ang mga salitang ito ay maaaraing nakakasakit sa mga pinauukulang tao. May mga taong sobra kung makapanglait, akala nila perpekto sila; minsan, gusto lang talaga nila 'yung pakiramdam na mas mataas sila sa ibang tao. Ang hindi rin nila alam ay may mga taong pangit at mababa rin ang tingin sa kanila. Isa pang ugali ng mga tao ay ang makipag-pataasan ng ihi. May mga tao kasing masyadong mataas ang pride o ang pagtingin sa sarili; hindi nila kayang tumanggap ng kritisismo ng iba; pakiramdam nila, sila lang ang laging tama, sila lang ang may alam; hindi marunong tumanggap ng pagkakamali.

At ang pinaka-paborito ko sa lahat ng natutunan ko sa Fil 40, karamihan sa ating mga Pilipino, masyadong mataas ang pagtingin natin sa mga Amerikano, sa Amerika, at sa wikang Ingles. Akala natin pag mahusay tayong mag-Ingles, napaka-galing o napaka-talino na natin. Kung ganun ang sistema sa mundo, ibig bang sabihin nito, magagaling at matatalino ang lahat ng Amerikano? Ikaw, kaya mo bang tanggapin sa sarili mo na mas magaling sila sa mga Pilipino? Matatanggap mo ba na mas matalino sila sa iyo? Pairalin mo minsan ang pride mo at masasabing hindi tama iyon; baka sakaling mahalin mo rin ang wika at lahi mo.

Isa pa, pagdating sa panlabas na anyo, kung sa tingin mo maputi lang ang maaaring ituring na maganda, sasang-ayon ka ba na lahat ng Amerikana, Intsik, Koreana, Hapon, etc. ay maganda? Kung hindi ka maputi, iisipin mo bang pangit ka? Iisipin mo bang mas maganda ang mapuputi? Sa tingin mo ba pangit si Rihanna dahil maitim sya? Sa tingin mo ba maganda si Pokwang dahil maputi sya? Ibig bang sabihin nito ay pangit ang mga Aprikano at ang ating mga kababayang Igorot? Kung ano man 'yang naglalaro sa isipan mo, 'wag mo nang dayain pa; 'wag ka nang magmalinis. Mag-ingat ka lamang sa sasabihin mo kung ayaw mong mabansagang racist. Gaano mo nga ba pinapahalagahan ang sarili mo? Gaano nga ba kataas ang tingin mo sa sarili mo?

Sabi nga ni Betty, "hoy! hoy! tandaan nyo, ganda ay kumukupas..."; bakit hindi kaya natin tignan ang kagandahang panloob ng isang tao? Minsan magugulat ka na lang, kung gaano sya kapangit (panlabas) sa paningin mo, ganun naman kadalisay ang kalooban nya. Pero sadyang may mga taong ayaw magpalamang kaya ayaw na nilang kilalanin ang isang tao. Minsan, mas gusto talaga ng iba 'yung may naaasar at napagkakatuwaan. Minsan, pakiramdam lang talaga ng iba na mas mataas at mas maganda sila sa ibang tao.

May mga taong hindi naniniwala na maganda sila. May mga taong malakas ang tiwala sa sarili na maganda sila. May mga taong pakiramdam nila, sila lang ang maganda sa mundo. Kung bakit ganito, maraming dahilan. Self-confidence: may mga taong mababa ang kompiyansa sa sarili at mayroon namang nag-uumapaw sa kompiyansa sa sarili. Society and Culture: may mga lipunang masyadong imposing; minsan may mga implied standards of beauty rin. Minsan, mahilig ang mga tao na ikumpara ang sariling kultura sa kultura ng iba. Gayundin, mahilig tayong magkumpara ng lahi natin sa ibang lahi. Madalas, ikinukumpara natin ang ating sarili sa ibang tao. Wala namang masama sa pagkukumpara, ang nagiging problema lang ay minsan, 'pag nagkumpara tayo, hahanapin natin 'yung mas magaling at mas palpak, 'yung mas matalino at mas "bobo", 'yung mas malakas at mas mahina, 'yung mas maganda at mas pangit; lahat na ng "mas"; lahat na ng subjective. Minsan, kahit hindi tayo aware tayo na rin ang nagpapababa ng pagtingin natin sa ating sarili. Minsan, kahit aware tayo, gumagawa tayo ng mga bagay na makakapagpababa ng self-confidence ng ibang tao.

Minsan hindi natin nakikita ang imperpekto sa isang bagay dahil ayaw natin itong lapitan. Minsan huli na bago natin makita ang depekto nito. Minsan hindi natin makita ang kagandahan ng isang tao dahil ayaw natin siyang kilalanin. Aminin man natin o hindi, minsan, ayaw nating makita ang kagandahan nya dahil ayaw nating maging kapantay siya; minsan takot tayo sa katotohanan dahil masasaktan nito ang ating pride. At tulad ng mga bagay sa mundo, hindi rin tayo perpekto dahil tayo ay TAO.

Ikaw, pakiramdam mo ba maganda ka? Paano mo nasabi? Napatunayan mo na ba ito?

1 comment:

  1. Minsan naman, masyadong mataas lang talaga ang tingin ng isang tao sa kanyang sarili. Sabi nga, di mo kayang i-please lahat ng tao. Totoo naman e. Hindi ka nabuhay para i-please sila at mamamatay ka na di mo parin sila maiplease. Simple lang naman ang buhay e, tao lang talaga ang nagpapakumplikado dito. :)

    ReplyDelete